POLITIKA-BANSA: MAYNILA – Bise Presidente Leni Robredo: Bong Bong Marcos sinungaling
MANILA, Philippines — Inakusahan ng kampo ni Vice President Leni Robredo na sinungaling ang kampo ni ex-Sen. Bongbong Marcos matapos sabihin na nais baguhin ng kanilang kampo ang mga patakaran sa recount ng mga balota noong 2016 elections.
Sinabi ng spokesman at legal counsel ni VP Robredo na si Atty. Barry Gutierrez na naaayon ang kanilang iginigiit na 25% shading threshold base na mismo sa itinakda ng Commission on Elections (Comelec) noong nakaraang eleksyon.
“Sigurado si VP Leni sa kaniyang pagkapanalo, dahil alam niya nakuha niya ito sa malinis na paraan,” paliwanag pa ni Gutierrez.
“Ang ipinaglalaban niya ngayon na 25% threshold ay kinumpirma na sa publiko ng mga dokumento at pahayag ng mga opisyal ng Comelec. Dapat lamang itong sundin sa recount para hindi maisantabi ang mga botong nabilang sang-ayon sa patakaran noong eleksyon,” dagdag pa nito.
Sa memorandum na sinulat ni Commissioner Luie Guia bilang sagot kay Atty. Felipa Anama, clerk ng Presidential Electoral Tribunal (PET), ipinapaalam dito na ang 25% threshold ang ginamit sa 2016 elections.
Sinabi rin ni Guia na ang 25% threshold ay pinagtibay upang siguruhin na hindi masasayang ang boto ng mga Pilipinong may intensyong piliin ang isang kandidato ngunit hindi nai-shade nang buo ang oval sa balota.
Pinagtibay ang resolusyon ng buong Comelec en banc at kinumpirma mismo ni Comelec spokesperson James Jimenez noong April 17, 2018. Sa resolusyon, ibinaba ang threshold sa 25% mula sa 50% noong 2010.
Nagbabala rin si dating Comelec chair Sixto Brillantes, laban sa paggamit ng ibang threshold para sa recount na ginagawa sa pagka-bise presidente. Ani Brillantes sa isang panayam noong Abril 16, ang 25% threshold ang ginagamit na batayan sa mga electoral protest na dinidinig ng Senate Electoral Tribunal at the House of Representatives Electoral Tribunal.
Aniya, hindi magiging patas ang paggamit ng mas mataas na threshold sa recount ng PET, dahil iisang threshold lang naman ang ginamit noong eleksyon.
Pinabulaanan din ni Gutierrez ang paratang ng kampo ni Marcos na September 2016 lamang itinakda ng Comelec ang 25% threshold.
Pinaliwanag niya na ang 25% threshold ang siyang aktwal na ginamit sa pagbilang ng boto para sa lahat ng kandidato noong halalan ng 2016, at ito’y ipinaabot lamang ng Comelec sa PET noong September 2016 bilang tugon sa tanong kung anong mga patakaran ang sinunod sa halalan. / Rudy Andal (Pilipino Star Ngayon) – April 25, 2018 – 12:00am / All photographs, news, editorials, opinions, information, data, others have been taken from the Internet ..aseanews.net | [email protected] / For comments, Email to : Aseanews.Net | [email protected] | Contributor:-