OP-ED OPINYON: AKSYON NGAYON By Al G. Pedroche -‘China, monster in the making’
BAKA bukas makalawa, ang kabisera ng Pilipinas ay Ongpin na. Joke lang po iyan, pero ito ang hindi joke: Ayon sa pinakahuling balita mula sa Washington, naglagay ang China ng mga anti-cruise missile sa Philippine Reef. Matagal nang may outpost ang China sa bahaging ito ng West Philippine Seas. Ngunit ang paglalagay ng mga sandatang militar ay nakakanerbyos talaga. Parang naghahanda ang China sa isang digmaan laban sa kanino mang magtatangkang pigilin ang mga abusadong gawain nito.
Ito ang unang pagkakataon na ang China ay nagtalaga ng missile sa Spratly Islands na inaangkin din ng iba pang mga bansa tulad ng Vietnam at Taiwan. Wala pa ring komento ang China’s Defense Ministry tunkol sa isyung ito.
Sa unti-unting pagsaklaw ng China sa karagatang may pag-aangkin ang Pilipinas at iba pang mga bansa sa Asya, baka magising na lang tayo na ang isa sa ating mga pangunahing isla, tulad ng Palawan ay sinakop na ng China. Posibleng mangyari ito lalu pa’t walang ipinapahayag na pagtutol ang ating pamahalaan.
Kahit ang Malacañang ay ayaw magbigay ng pahayag tungkol sa balitang ito maliban sa pagsasabing wala pang opisyal na pahayag na tinatanggap ito.
At bakit pati ang US Defense Department, na tumututol sa instilasyon ng China ng mga pasilidad na pandigma sa pinagtatalunang karagatan ay walang komento hinggil sa isyu?
Para sa China, ang mga nakalagay na pasilidad sa naturang lugar ay puro pang-depensa lang at binigyang diin pa na puwede nitong gawin ang ano mang gustuhin sa kanyang sariling teritoryo? Sariling teritoryo?
Iyan ang paniniwala ng China. Kanila ang buong karagatang pinagtatalunan. Nais natin siyempre ang mapayapang pagresolba sa usapin para huwag mauwi sa madugong komprontasyon na magsasapanganib sa buong daigdig.
Masyado nang malakas ang China at sa ipinakikitang attitude nito, hindi malayong ito’y maging mabangis na halimaw na ang layunin ay palawakin pa ng palawakin ang teritoryong nasasaklaw nito. / AKSYON NGAYON – Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) – May 5, 2018 – 12:00am