ASEANEWS HEADLINES: ‘Magbibitiw ako ( ‘I shall resign’ ) – Digong’
Kapag may petisyon sa ‘kiss’ issue
MANILA, Philippines — Hinamon ni Pangulong Duterte ang kanyang mga kritiko na maglabas ng petisyon kaugnay ng kanyang ginawang paghalik sa isang OFW sa South Korea kamakailan.
Sinabi ng Pangulo pagdating niya mula sa 3-day visit sa South Korea, handa siyang magbitiw sa puwesto kung maraming lalagda sa petisyon dahil sa kanyang ginawang paghalik sa labi ng Pinay na si Bea Kim.
Ayon sa Pangulo, ipapaubaya niya sa hanay ng mga kababaihan ang pagpapakalat ng petisyon at kung sakaling makakalap ng maraming lagda ay handa siyang mag-resign.
“If the women — if there are enough women to… Well I think if all women here would sign a petition for me to resign, I will resign,” sabi ng Pangulo.
Inulit din ng Pangulo na walang malisya ang ginawa niyang paghalik sa labi ng Pinay at istilo lamang niya ito.
Maging ang Pinay na si Bea Kim sa panayam dito ay iginiit na walang malisya ang ginawa nila ng Pangulo kundi pampakilig lamang sa audience na naroroon sa Filipino community event.
Bukod dito ay sinabi rin ng Presidente na maaari ring matanong ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sarah Duterte-Carpio kung nasaktan ba ito sa eksena.
Una ng inihayag ng Pangulo na hindi isyu ang nasabing kontrobersiya sa mga taong nakakakilala sa kanya partikular sa mga taga-Davao gayung karaniwang eksena lang aniya ang kanyang pagyakap at paghalik na kanyang ginagawa, kahit sa mga maysakit bilang pagbibigay importansiya sa mga kababaihan.
Rudy Andal (Pilipino Star Ngayon) – June 7, 2018 – 12:00am
All photographs, news, editorials, opinions, information, data, others have been taken from the Internet ..aseanews.net | [email protected] / For comments, Email to : Aseanews.Net | [email protected] | Contributor:-