OP ED EDITORIALS & CARTOONS: … ‘Kamay na bakal’ ng DENR, umubra kaya?
WALA nang makapipigil pa kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa paglilinis ng Manila Bay. Tuluy-tuloy na umano ito at sisimulan na sa lalong madaling panahon. Noong Sabado, binisita na ni Cimatu ang mga estero na posibleng pinagmumulan nang maraming basura na iniluluwa sa Manila Bay. Una niyang ininspeksiyon ang Estero de San Antonio Abad sa Malate, Manila. Suspetsa ni Cimatu, dito nanggagaling ang mga basura na nakikita sa Manila Bay. Dito rin nagmumula ang maruming tubig na nanggagaling naman sa Manila Zoo. Direkta umano sa estero ang maruming tubig sa zoo dahil wala itong sewage treatment plant (STP).
Nagbabala si Cimatu sa management ng Manila Zoo na gumawa ng sariling STP o kasuhan sila ukol dito. Ayon kay Cimatu, nakasaad sa batas na dapat may sariling STPs ang lahat nang establisimento. Sa ilalim ng Republic Act 9275 o ang Philippine CleanWater Act of 2004, nararapat na masiguro ang kalidad ng tubig at malutas ang iba pang environment problems sa makasaysayang lawa ng Maynila.
Hindi lamang ang Manila Zoo ang binalaan ni Cimatu kundi lahat nang mga establisimentong nakapaligid sa Manila Bay. Binigyan ni Cimatu ng 3 buwan ang mga establishment para gumawa ng sariling STP. Mahigpit umano niyang ipapatupad ito. Ito aniya ang unang hakbang para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Tatlong phases ang gagawin para sa lubusang rehabilitasyon: una ang paglilinis sa mga basura at ang improvement ng kalidad ng tubig; ikalawa ang rehabilitasyon at ang ikatlo, protection at pagpapanatiling malinis ang makasaysayang Manila Bay.
Mukhang desidido si Cimatu na gamitin na ang “kamay na bakal” laban sa mga nagpaparumi ng Manila Bay. Mabigat ang mga kalaban niya sapagkat malawak ang Manila Bay. Maraming bayan at lungsod ang nakapaligid dito. Maraming malalaking pabrika na nagluluwa ng lason at iba pang nakasisira sa kapaligiran. Mabilis niyang nalinis at napabango ang Boracay sapagkat maliit lang ang isla at maliliit lang ang establishments. Dito sa Manila Bay, marami siyang makakabangga.
Kailangang tulungan at suportahan si Cimatu sa paglilinis ng Manila Bay. Nararapat nang linisin ang maruming Manila Bay. May pagkakataon pa para ito maisalba at mapakinabangan sa hinaharap.