OP-ED – Dengue at leptospirosis ang kalaban ngayon
EDITORYAL – Dengue at leptospirosis ang kalaban ngayon
.
TAG-ULAN na. At sa ganitong panahon, nananalasa ang dalawang mapanganib at nakamamatay na sakit – ang dengue at leptospirosis. Pero maiiwasan ang mga ito kung mapapanatili ng mamamayan ang kalinisan sa loob ng bahay at kapaligiran. Kalinisan ang tanging susi para mapigilan ang dengue at leptospirosis.
Ayon sa Department of Health (DOH) mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, nasa 70,000 kaso ng dengue ang naitala at maaaring dumami pa ngayong nagsisimula na ang tag-ulan. Ayon pa sa DOH, 312 na ang naitalang namatay sa dengue ngayong taon. Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, kulay kapeng ihi, paglabas ng pantal-pantal sa balat at pananakit ng katawan. Kapag nakitaan ng mga palatandaang ito ang kaanak, dalhin agad sa doctor.
Ipinapayo na takpan ang mga drum, timba at iba pang lalagyan ng tubig para hindi pangitlugan ng lamok. Itapon din ang mga basyong bote at lata, tinapyas na gulong ng sasakyan, mga paso ng halaman at iba pang posibleng breeding ground. Linisin ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok na tinatawag na Aedes Aegypti.
.
–THIS SPACE BELOW IS RESERVE FOR YOUR ADVERTISEMENT –
.
Mapanganib ang leptospirosis na karaniwang nakukuha sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga. Delikado kapag lumusong sa baha na walang proteksiyon ang mga paa. Kapag bumaha sa Metro Manila, maraming bata ang ginagawang swimming pool ang kalsada. Wala silang kamalay-malay na ang pinaglulunuyan nila ay may ihi ng daga. Kung may sugat o galis ang mga bata sa paa at binti, posibleng pumasok doon ang mikrobyong leptospira na magdadala ng sakit na leptospirosis. Ang mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, nahihirapang umihi, naninilaw ang balat at namumula ang mga mata. Lumalabas ang sintomas makaraan ang pitong araw.
Magtulung-tulong sa paglipol sa mga daga na naghahatid ng leptospirosis. Panatilihin ang kalinisan sa kapaligiran at sa loob ng bahay. Kung malinis at nasa ayos ang pagtatapon ng basura, walang mabubuhay na daga.
Nararapat ang maigting na kampanya ng DOH laban sa dengue at leptospirosis. Imulat ang mamamayan para hindi sila mapahamak sa dalawang sakit na ito. Magkaroon ng mga patalastas sa radyo at anunsiyo sa mga pahayagan ukol sa pag-iingat sa dengue at leptospirosis.
–THIS SPACE BELOW IS RESERVE FOR YOUR ADVERTISEMENT –
.