EDITORYAL – Kailan lalaya sa korapsiyon, kahirapan at krimen?
OPINYON
.
THE EDITOR
Ngayon ay ika-122 anibersaryo ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na Kastila. Kasunod ng deklarasyon ay ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas habang inaawit ang “Lupang Hinirang” sa balkonahe ng mansiyon ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 1898.
Noon ay mga Kastila ang kalaban ng mga Pilipino. Pero ngayon, makalipas ang 122 taon, mas marami pang naging kalaban ang mamamayan na wala ring ipinagkaiba sa mababagsik na mananakop. Mas matindi ang mga kalaban ngayon sapagkat nagdudulot sa pagkahilahod ng bansa.
Unang kalaban: Korapsiyon.
Maraming korap sa mga tanggapan ng pamahalaan ngayon. Walang patawad. Kahit na nasa gitna ng paglaban sa COVID-19 ang bansa, patuloy ang pangungurakot ng mga taong gobyerno. Maski ang pondo sa social amelioration program (SAP) ay kinukurakot ng mga barangay kapitan. Sa halip na ibigay nang buo ang SAP na para sa mahihirap, kalahati lang ang ibibigay at ang kalahati ay sa sariling bulsa nila nilalagay. Hanggang ngayon, marami ang nagrereklamo na hindi sila nakatanggap ng SAP sa unang tranche. Iyon ay dahil kinurakot ng barangay official.
Ikalawang kalaban: Kahirapan.
Maraming mahirap na Pilipino at ngayong sinalanta ng COVID ang bansa, inaasahang darami pa ang bilang ng mga magsasalat sa buhay. Lolobo ang bilang ng mga walang trabaho sapagkat marami nang nagsarang kompanya, establisimento, pabrika at paktorya. Maraming magugutom na pamilya dahil walang pagkakakitaan.
Ikatlong kalaban: Krimen
Patuloy ang mga nangyayaring krimen. Sumasalakay ang riding-in-tandem at walang awang pumapatay. Patuloy din naman ang pagdagsa ng illegal na droga. Kahit naka-lockdown ang bansa, nakakapasok ang shabu na nagkakahalaga ng bilyong piso. Paano nakakapasok ang salot na shabu gayung walang biyahe ang barko at eroplano. Kabi-kabila rin ang checkpoint at napakahigpit ng mga awtoridad.
Mababangis ang tatlong kalaban ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon. Kailangan ang mahusay na paglaban ng gobyerno sa mga ito. Kailangan ang mahusay na plano para mapalaya ang mamamayan sa korapsiyon, kahirapan at krimen.