OPINYON: AKSYON NGAYON – Huwag baguhin ang kasaysayan
ANO ang layunin ni Presidential son at Davao City Representative Paolo Duterte at gustong palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA)?
.
Naghain na ng isang panukalang batas si Rep. Duterte kaugnay nito kasama ang Ilan pang kaalyadong Kongresista.
Ang rason daw ni Rep. Duterte ay upang tanggalin ang masamang imahe ng pandaigdig na paliparan at bigyan ito ng “fresh start” o bagong simula.
Kung iyan ang katuwiran, puwede palang baguhin ang pagkatao ng isang kriminal sa pamamagitan ng pagpapalit sa pangalan nito? Napakababaw na dahilan.
At dahil pangit ang imahe ng Pilipinas sa mata ng daigdig, puwede na rin itong palitan ng pangalan? Kalokohang malaki. Kung nais nilang gumanda ang imahe ng airport, palitan ng mga karapat-dapat na tao ang mga namamahala doon.
Sabi nga, “let’s call a spade a spade,” at huwag nang maghagilap ng nakatatawang dahilan para palitan ang pangalan ng pandaigdig na paliparan.
May dahilan kung bakit ipinangalan kay yumaong Senator Benigno Aquino ang dating Manila International Airport. Doon kasi siya pinatay sa kasagsagan ng kanyang pakikibaka sa diktadurya ni Presidente Marcos. Bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas iyan. Huwag salungatin ang history!
Malinaw naman na pulitika ang dahilan ng hakbang nina Rep. Duterte at iba pang mambabatas. Gusto nilang burahin sa kasaysayan ang tatak ng mga Aquino dahil kalaban nila ang mga ito sa politika. Ibig nilang pangalanan ang NAIA ng Pandaigdig na Paliparan ng Pilipinas. Kailan pa tayo aasenso kung pulos pulitika ang inaatupag?
SIGN UP TO RECEIVE OUR EMAIL
.
The most important news of the day about the ASEAN Countries and the world in one email: [email protected]
6.27.2020