EDITORYAL – Babaguhin ang pangalan ng NAIA
The 2019 Plague” Day 212
Naghain ng panukalang batas sina Reps. Paolo Duterte, Lord Allan Jay Velasco at Eric Yap para palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Sa ilalim ng House Bill 7031, papalitan ang NAIA ng Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas (PPP o PaPaPi). Ayon sa tatlong mambabatas, ang pagpapalit ng pangalan ay para magkaroon ng sariling identity ang bansa. Kung ito ang pangalan ng paliparan, madarama raw ang init sa pagtanggap ng mga darating na balikbayan at mga bisita. Maganda rin umano ang magagawa nito para sa pagsusulong na maging tourist destination ang bansa.
Ang dating pangalan ng NAIA ay Manila International Airport (MIA). Pero pinalitan ito ng NAIA noong 1987 bilang pag-alaala kay Ninoy Aquino na pinatay sa tarmac ng MIA noong Agosto 21, 1983. Dumating si Ninoy sakay ng China Airlines subalit nang bumababa na sa hagdan ng eroplano, binaril ito.
Ang pagkamatay ni Ninoy ang nagpaalab sa damdamin ng mga Pilipino para makalaya sa rehimeng Marcos. Nagkasunud-sunod ang mga kilos protesta hanggang sa makalaya ang bansa sa Marcos dictatorship noong Peb. 25, 1986 at naging Presidente ang biyuda ni Ninoy na si Cory Aquino.
.
Isang panukalang batas ang isinulong noong 1987 na nagpapalit sa MIA bilang NAIA bilang pag-alala kay Ninoy. Hanggang sa lagdaan ang Republic Act 6639 at magpahanggang ngayon, NAIA ang tawag sa paliparan.
Wala namang masama kung palitan ng pangalan ang NAIA, pero sa ngayon, hindi pa tama o wala sa panahon lalo pa’t nagdaranas ang bansa ng pandemia kung saan maraming nagsarang establisimyento at nawalan ng trabaho. Bagsak ang ekonomiya at walang makapagsabi kung aabutin ng ilang taon bago makabangon.
.
Sa kasalukuyan, marami ang dumaraing ng gutom at hindi malaman kung saan kukuha ng kakainin. Pati mga drayber ng jeepneys, namamalimos na dahil hindi pa sila nakakabiyahe.
Hindi muna dapat pag-usapan ang pagpapalit ng pangalan ng paliparan sa kasalukuyan. Mas mahalaga ngayon na talakayin kung paano matutugunan ang pangangailangan ng mamamayan lalo na ang kumakalam nilang sikmura.
.
SIGN UP TO RECEIVE OUR EMAIL
.
The most important news of the day about the ASEAN Countries and the world in one email: [email protected]
6.28.2020