EDITORYAL: Kahit si Superman hindi pala uubra
THE EDITOR
Grabe pala talaga ang corruption sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil kahit daw si Superman ang paupuin doon ay hindi kayang sawatain. Ibang klase kung ganun ang nangyayaring katiwalian sa PhilHealth na hindi pala kayang gibain ng superhero na si Superman.
.
Sabi ni PhilHealth President and Chief Executive Ricardo Morales hindi raw madaling solusyunan ang mga iregularidad sa state insurance firm. Sabi pa ni Morales sa radio interview noong Miyerkules, 20,000 na kaso ang kanilang iniimbestigahan kung saan P4.5 bilyon ang involved na pondo ng ahensiya. Wala raw talagang madaling solusyon dito, sabi ni Morales.
.
Noong Martes, nagbigay ng testimonya si Morales sa Senado kaugnay ng mga nangyayaring korapsiyon sa pinamumunuang ahensiya. Sinabi niya na ang nangyayaring “systemic” fraud sa PhilHealth ay hindi malulutas sa loob ng isang taon o maski sa mga susunod pang mga taon.
.
Hindi raw mabibigla ang paglutas pero magsisimula siya nang dahan-dahan hanggang makakita ng buwelo. Tiwala siyang malilinis ang katiwalian sa ahensiyang pinamumunuan.
.
Sabi ng mga senador, napapaikutan si Morales ng mga tiwaling opisyal at empleyado sa PhilHealth. Nang tanungin naman kung bakit hindi siya bumababa sa puwesto sa kabila ng mga isyu ng korapsiyon, sabi niya, may pinagagawa pa raw si President Duterte sa kanya.
Nagsimula ang alingasngas sa PhilHealth nang isang dating opisyal ang humarap sa Senado at ibinunyag na may sindikato sa ahensiya na dahilan sa pagkalustay ng P15-bilyong pondo. Ayon kay Thorsson Montes Keith, dating anti-fraud legal officer, ang natuklasan niyang anomalya sa ahensiya ay maituturing na “krimen ng taon”. Minamaniubra umano ng sindikato ang interim reimbursement mechanism at procurement ng “overpriced” information and communication equipment.
.
Sa pag-iimbestiga naman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), natuklasan nila na 36 na opisyal ng ahensiya ang sangkot sa corruption at inihahanda na ang kaso laban sa mga ito.
Talamak ang corruption sa PhilHealth at ‘di raw uubra si Superman. Siguro ang dapat palitan ay namumuno. Maaaring may iba pa na may mas kakayahan. Hindi naman dapat ay kasing lakas ni Superman ang kailangan basta determinado at may political will.