EDITORIAL: Smuggling ng mga gulay, talamak – Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL –
Smuggling ng mga gulay, talamak
Darating ang panahon, pawang mga imported na gulay ang nasa mga palengke sa buong bansa. Ito ay kung hindi mapipigilan ng Department of Agriculture at Bureau of Customs ang talamak na vegetables smuggling.
Setyembre pa nang magsimulang magdagsaan ang imported na gulay mula China at hanggang ngayon, nagpapatuloy. Hindi na mapigilan ang smuggling at walang ibang apektado kundi ang mga local na magsasaka ng gulay. Inaagawan sila ng kabuhayan. Nadadaya naman ang gobyerno sapagkat hindi nagbabayad ng buwis. Mapanganib sa kalusugan ang mga imported vegetables dahil sa ginamit na pesticides at preservatives sa mga ito.
Karaniwang sa Port of Subic idinadaan ang mga smuggled na gulay. Noong Sabado, siyam na container van na naglalaman ng agricultural products ang nasabat sa Subic at nagkakahalaga ng P70 milyon. Bukod sa Subic, idinaraan din sa Port of Manila ang mga smuggled vegetables at meron din sa Cagayan de Oro. Noong nakaraang linggo, nasabat sa Cagayan de Oro ang mga smuggled na gulay mula China na nagkakahalaga ng P160 milyon.
Nangangamba na ang mga magsasaka ng gulay sa La Trinidad, Benguet sapagkat apektado na umano ang kanilang kinikita dahil sa pagbaha ng mga gulay na galing sa China. Dahil mas mura ang mga smuggled, nabawasan na ang kanilang kinikita. Ayon sa isang dealer ng carrots sa Benguet, dati ay 100 sako ang order sa kanila pero naging 30 sako na lang mula nang bumaha ang smuggled. Kaunti na lang umano ang order mula sa Manila. Humihingi sila ng tulong sa Department of Agriculture para matigil na ang pagdagsa ng mga smuggled na gulay.
Ayon sa Department of Agriculture, walang inaprubahang import permits ang Bureau of Plant Industry para sa mga gulay gaya ng carrots. Nagbanta si Agriculure Secretary William Dar na ipakukumpiska ang mga smuggled na gulay. Pero walang nakikitang aksiyon dito. Ang dapat gawin ng DA, makipag-ugnayan sa Bureau of Customs para malaman kung sino ang consignee ng agri poducts mula China.
Dapat matukoy ang mga nasa likod ng smuggling. Kumilos sana ang BOC ukol dito. Paigtingin pa ang kanilang pagbabantay. Kawawa ang mga magsasaka kapag hindi napigilan ang smuggling ng mga gulay.