Year of the Wood Dragon: Feng Shui tips at kung pabor ba sa iyo ang 2024
PSN OPINYON
Matapos ang ating masayang kwentuhan tungkol sa kanyang tips sa pagsalubong ng 2024, ibinahagi naman sa atin ni Master Hanz Cua ang posibleng kapalaran ng bawat Chinese zodiac para sa Year of the Wood Dragon na magsisimula sa ika-10 ng Pebrero 2024.
Narito ang ilang gabay para mas maging masuwerte ngayong taon!
Rat: Ang Prosperity star ay nagniningning para sa iyo, at kasunod nito ay ang mga oportunidad para lumago ang pera. Pagdating sa pag-ibig, kailangan lamang ng komunikasyon at pagtutulungan para laging sweet ang samahan. Huwag papabayaan ang kalusugan, at tutukan ang kondisyon ng iyong baga at immune system.
Ox: ‘Ika nga ni Master Hanz, oks na oks para sa’yo ang 2024! Puno ang taong ito ng oportunidad kaya huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Pagkakataon mo na para i-grab ang mga ito. Ayon sa ating Feng Shui master, maganda ang balik kung ikaw ay kikilos agad! Kung kailangan ng swerte at lakas loob pagdating sa lovelife, matutulungan ka ng dala mong rose quartz. Para sa kalusugan, maglagay ng medicine Buddha sa iyong tahanan, partikular na sa timog-silangang bahagi ng iyong tinutulugan.
Tiger: Ngayong 2024, dapat strategic ang mga Tigre! Mahalagang magkaroon ng back-up plan sa mga plano. Kung may Plan A, dapat may Plan B! Ngayong handa ka na, huwag matakot na lumabas sa iyong comfort zone at humanap ng oportunidad para sa business o career mo, lalo na sa buwan ng Pebrero at Abril kung saan mas maganda ang pasok ng swerte. Para naman sa mga nais pang palakihin ang kanilang pamilya, ang taong ito ay para sa inyo. Basta’t huwag ipagsasawalang-bahala ang kalusugan, lalo na ang pagbabantay sa blood pressure.
Rabbit: Para sa mga ipinanganak sa Year of the Rabbit, maaaring may mga panahong hindi mo ma-kontrol ang iyong emosyon. Maging maingat sa maaaring epekto nito sa iyong pamilya at mga kaibigan! Kung nais mo ng mas matibay na gabay sa mga relasyon, inirekomenda ni Master Hanz ang pagpapabasa ng love tarot reading partikular na sa Mayo. Ngunit pagdating naman sa negosyo, ang taong ito ay puno rin ng mga oportunidad para sa iyo!
Dragon: Dahil Dragon ang sentro ng zodiac ngayong taon, mahalaga ang self-awareness. Gamitin ang taon para pagandahin ang iyong lifestyle, mula sa tamang pagkain hanggang sa regular na ehersisyo. Pagdating sa relasyon, kailangang buksan ang sarili sa pag-intindi sa emosyon ng mga nasa paligid mo para mas gumanda pa ang pakikisama sa partner, pamilya, mga kaibigan, at maging mga ka-trabaho. Tutukan ang sarili at hanapin kung ano pa ang magandang baguhin.
Snake: Sa mga Year of the Snake, unahin ang kalusugan at partikular na bantayan ang immune system. Ituloy lamang ang mga ginagawa para magkaroon ng balanseng lifestyle. Bukod sa sarili, hikayatin din ang ating mga kaibigan at pamilya na maging mas healthy. Ang pag-intindi sa sariling emosyon ay may kalakip na magandang balik na mas magandang pakikisama at mga relasyon.
Horse: Maging maingat sa mga naglipanang manloloko o scammer! Ngayong taon maaaring mas maraming magtangka na ika’y lokohin. Kaya’t piliing mabuti kung sino ang iyong pagkakatiwalaan. Ganito rin ang payo ni Master Hanz pagdating sa pag-ibig. Kaya’t umiwas na sa mga tingin mo’y nariyan para “i-ghost” ka o saktan lamang.
Goat: Ang mga pinanganak sa Year of the Goat ang napili ng Fertility star ngayong taon! Ayon kay Master Hanz, ito ang taon para palawigin pa ang iyong negosyo, career, at maging ang iyong network ng mga kakilala. Sa pag-display ng mga simbolo ng Dragon at ng Feng Shui Wealth Ship, mas magpapatuloy pa ang pasok ng swerte. Humayo at mag-travel, dahil maganda ito para sa iyong kalusugan at isip ngayon taon.
Monkey: Kumustahin ang lagay ng iyong mata at puso para mas handa kang makita ang mga parating na oportunidad. Nasa panig mo ang swerte ngayon taon! Pagdating naman sa mga relasyon, huwag kalilimutang magtabi ng oras para sa iyong mga mahal sa buhay.
Rooster: Dahil matalik na kaibigan ng Dragon ang Rooster, ikaw din ay magiging mas lapitin ng swerte! Abangan ang mga darating na oportunidad para sa negosyo o career ngunit huwag basta-bastang tatalon ng walang plano. Para sa lovelife, simulan nang iplano ang inyong mga lakad dahil ang Abril, Hulyo, at Nobyembre ang tamang panahon para patamisin pa ang relasyon.
Dog: Ayon kay Master Hanz, ang mga ipinanganak sa Year of the Dog ay dapat matibay ang loob at matiyaga. Maaari mang maharap sa mga hamon dahil sila ang katunggali ng Dragon, kayang-kaya naman itong tumbasan ng sipag ng mga Dog. Maging maingat sa mga desisyon maaaring makasama sa iyong lovelife, at bigyan ng sapat na atensyon ang iyong partner. Ngayon pa lamang ay simulan na ang healthy habits, at mag-schedule na ng general check-up sa doktor para maunahan ang anumang sakit.
Pig: Tulad ng Rooster, pabor din ang Dragon sa Pig kaya’t swerte ang taon para sa iyo. Lalo na para sa mga nagbabalak na kumuha ng exam ngayon taon, may bituing nagniningning para sa inyo. Sabi ni Master Hanz, huwag masyadong kabahan, basta’t may sapat na paghahanda sa mga ito. Maging sa karera ay swerte ka sa taong ito, kaya’t huwag mahihiyang magpabibo sa opisina at ipakita ang iyong galing.
Bagong taon, bagong swerte, bagong direksyon
Sa nalalapit na pagsalubong ng Lunar New Year sa February 10, hiling natin ang mas maswerte at mas maaliwalas na taon para sa lahat. Nariyan man ang Feng Shui, mahalagang alalahanin nating hindi ito istriktong alituntunin na dapat sundin. Ang mga ito ay gabay lamang para sa ating pagtatrabaho o pagnenegosyo, pagpapakita ng pagmamahal, at pangangalaga sa sarili.
Higit sa lahat, tandaan natin na tayo pa rin at tayo lamang ang may hawak ng ating kapalaran.
Sundan ang aking social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter at Kumu. Ibahagi ang inyong mga mungkahi at reaksyon sa [email protected]. Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube, Kumu, at Jeepney TV (sa SkyCable Channel 9, GSat Direct TV Channel 55, at Cignal Channel 44, tuwing Sabado 5 p.m.).