OPINION-EDITORIAL OP-ED: Mental health ng mga pulis, imonitor – Pilipino Star Ngayon
.
Sa pagkakahatol kay MSgt. Jonel Nuezca ng dalawang habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa pagpatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Disyembre 20, 2020, dapat ipursigi ng Philippine National Police (PNP) ang regular na psychiatric at psychological examinations upang ma-monitor ang estado ng mental health ng mga pulis. Ito ay para mapangalagaan ang kaligtasan ng mamamayan at pati na rin ang mga pulis mismo.
Mabilis ang pagkakahatol kay Nuezca makaraang barilin nang malapitan ang mag-inang Sonia at Anthony Gregorio. Nag-ugat ang pagpatay sa mag-ina dahil sa pagpapaputok ng boga ni Anthony. Kinumpronta ni Nuezca si Anthony na pinrotektahan naman ng ina nitong si Sonia. Binaril niya ang mag-ina. Kahit nakabulagta na, inupakan pa. Nakunan ng video ang karumal-dumal na pagpatay. Ayon sa abogado ng mga biktima, malaki ang naitulong ng video sa pagkakamit ng hustisya.
Ang kasong ito ay babala sa mga pulis na makati ang daliri sa gatilyo. Sila yung mga pulis na hindi na nag-iisip kung ano ang kahihinatnan ng gagawin. Baril agad ang sagot. Gaya ni Nuezca na kahit magsisi ay wala nang magagawa pa. Nasira na ang buhay niya na puwede namang naiwasan kung nag-isip lang siya.
Hindi lamang si Nuezca ang may ganitong kaso. Ganito rin ang nangyari sa lasing na pulis na si Master Sgt. Hensie Zinampan ng Police Security and Protection Group makaraang mapatay ang kanyang kapitbahay na si Lilybeth Valdez, 52, ng Bgy. Greater Fairview, Quezon City noong Mayo. Nakunan din ng video ang pamamaril.
Noong Hunyo, dalawang pulis ang nasangkot sa pagpatay sa kanilang kapwa pulis. Binaril nina Cpl. Sherwin Rebot at Cpl. Harold Mendoza ang kasamahang si Cpl. Higinio Wayan, pawang naka-assign sa Police Security and Protection Group. Ang pagpatay ay nag-ugat nang talunin ni Wayan sa bunong braso si Rebot.
Dapat namang kumilos si PNP chief Gen. Guil-lermo Eleazar para maisailalim sa regular psychia-tric at psychological examinations ang mga pulis. Mahalaga ito para masuri ang mental health ng mga pulis at maiwasan ang malalagim na insidente. Isagawa taun-taon ang psychiatric examinations.