PSN OPINYON-AKSYON NGAYON | AL G. Pederoche: GMA ibig patalsikin si BBM?
.
May dalawang haka-haka sa Mababang Kapulungan kung bakit na-demote si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo mula sa pagiging Senior Deputy Speaker ay ginawang Deputy Speaker na lang.
Una, ibig daw maglunsad ni Arroyo ng impeachment case laban kay President Bongbong Marcos kaya gusto niyang agawin ang speakership ng Mababang Kapulungan.
Kung nananatiling speaker ang pinsang buo ni BBM na si Martin Romualdez, suntok sa buwan ang ideyang alisin sa poder ang presidente. Blood is thicker than water, wika nga.
Ang pangalawang dahilan ay pursigido si Arroyo na gawing parliamentary ang sistema ng pamahalaan upang siya ang maging Prime Minister. Kung magkagayon, back to maximum power siya.
Alinman sa dalawang teorya ang dahilan ng problema sa Kongreso, iisa ang tunay na rason at iyan ay ang personal na ambisyon. Kahit kulang sa height si Arroyo, hindi siyang puwedeng ismolin. Aba, naging Presidente na yata iyan at may ipinakitang kakayahan bagama’t bumagsak ang reputasyon sa “Hello Garci”.
Marami rin siyang kasangga sa Mababang Kapulungan na sumusuporta sa kanya kaya ipinasya ng liderato na bawasan siya ng kapangyarihan. Mahirap na manatili siya sa mataas na puwesto at baka nga naman magising tayo isang araw na iba na naman ang administrasyon.
Magkaalyado sina Arroyo at VP Sara Duterte na nagbitiw bilang pinuno ng partidong Lakas-CMD. Pero hanggang kailan magtatagal ang alyansa nila e, may ambisyon ding mamuno sa bansa si Sara?